Saturday, June 23, 2012

OFW Diary: Ate-Atehan


Habang sinusulat ko ang part 1 ng Chinese Adventure episode (pakibasa sa mga di pa nagbabasa, Masaya yun), pinilit kong isingit ang kwento ng mga kasambahay nating OFW dito Dubai.  Pero di pala pwedeng extra lang sila kaya nabuo ang OFW Diary Series na sisimulan ko sa episode na ito.

Marami akong nakakausap na mga kabayan dito sa Dubai na may mga sariling kwento. May nakakatuwa, nakakalungkot, nakakainspire, nakakayamot at marami pang nakaka (wala pa namang nakakatakot na mala “Sukob” ang dating). For the first episode of our OFW Diaries, uunahin kong bigyan ng pansin ang mga “Ate” dito sa bansang ito.  Sila ang mga kasambahay at mga nakilala kong nahirapan sa buhay. E bakit nga ba “Ate-atehan” ang title?  Bisaya version ba ito ng Ati-atihan? O mga pekeng ate sila? Not to catch attention or whatsoever, I gave that title dahil sa mga kwento nila hindi sila itinuring na tao o kapatid. O kung itinuring man ng maayos at tinawag na ate, hindi pa rin kasing-wagas ng way ng pagtawag natin ng Ate sa kanila.  Malalaman nyo sa mga kwento sa baba.

Babala:  Maaaring makaramdam ng galit at inis habang binabasa ang mga kwento. Pwedeng sumuntok sa pader pero wag sa katabi.


ATE No. 1: Si Ate na laging puyat (Insomniac?)


Makabagbag damdamin ang kwento ng  Ate na ito pero kapupulutan ng aral (pero hindi siya teacher. Kapag may aral teacher agad? Ura-urada? Hindi pwedeng Wansapanataym o si Dora?). Nakilala ko si ate sa airport during my last trip to Pinas (Oo na aaminin ko na na madaldal ako kahit sa airport na kung sino-sino ang nakakausap).  Pero nakakamangha lang na mabilis kong nakukuha ang loob ng mga nakakausap ko (hindi kaya may lahi kaming budol-budol?). Masayang kausap si Ate at halatang excited na makabalik na ng Pinas para makita ang pamilya.  Pero sa kabila ng very perky na personality e ang nakakalungkot na kwento.  Umabot ng isang taon si ate sa UAE (sa Sharjah siya naasign).  Umalis siya sa kanyang amo at hindi na tinapos ang kontrata na dapat e dalawang taon. She was originally offered a good and specific contract before leaving the Philippines.  Ayon sa kontrata, mag-asawa na may dalawang anak ang pakikitunguhan nya. Pagdating nya ng Dubai, ibinigay siya ng original family sa kapatid nito na may apat na anak (buy 1 take 1?). Ok lang daw kay Ate kung yun ang kapalaran nya. E kaso ang naging issue ang bigat ng trabaho na napunta sa kanya. For one year, tiniis nya na di makakain ng maayos, kung anong ibigay yun lang ang kakainin (makonsensya na ang mga nagmamalaki at nagpipicture na may hawak na Magnum), natuto siyang kumain ng pagkaing Arabo (na hindi daw nya mawari kung anong lasa.  Di kaya wala lang panglasa si ate talaga?). Saktong sakto lang ang binibigay sa kanyang pagkain.  Kapag daw nagdecide na kumain sa labas ang pamilya, walang iuuwi sa kanya kaya madalas na may nakatago siyang biscuit para pantawid gutom (wag nyo nang itanong kung Skyflakes o Fita di ko na inusisa). Pero tiniis ito lahat ni ate.  Kaya din sana niyang tyagain ang mga batang sutil at pasaway na minsan ay dinuduruan siya at di binibigyan ng pagkain pero yung lifestyle ng pamilya na insomniac lahat at natutulog ng madaling araw ang nagpahirap sa kalagayan ni Ate (ikaw na ang di halos makatulog at gigising para magluto, maglinis at lahat na, sige nga ikaw nga, ikaw!).  Naging ugali na daw ng pamilya na gising sa gabi para manood ng TV hanggang madaling araw at mag imbita ng bisita ng dis-oras ng gabi (kung naka isang taon pa si Ate baka nalaman nya kung aswang sila #sayang). At dahil sa ilalim ng hagdan natutulog si ate (Harry Potter ikaw ba yan?), madalas siyang nagigising sa kalabog ng mga batang naghahabulan paakyat at pababa ng 2nd floor ng bahay (sana naman nagtraining si Ate sa paggawa ng trap at iba’t-ibang klaseng patibong). At pagkatapos ng magdamag na harutan ng pamilya e gigising na siya para na naman sa isang araw ng pakikibaka.

Hindi mga lokal ang amo ni Ate, mga Palestenians.  Naging masaya din naman daw siya at nagkaroon ng chance na makapagtravel papuntang Jordan nang ipaopera ang isang anak ng amo (sana maraming opera para mas maraming travel #chos). Gustong gusto ng among babae ang trabaho niya kaya nang magpaalam na siya na aalis na e pigil na pigil ito.  Gumawa ng mga eksena ang babae.  Itinago ang passport, sinabing mahal ang pamasahe at kailangang maghintay ng isa o dalawa pang buwan. Pero smart si Ate. Sinabai nya agad na “I will call POLO OWWA (pakiresearch ng meaning) and ask help from them” sa tonong akala mo e si Dawn Zulueta sa Walang Hanggan. Nataranta ang amo at nagbait-baitan. Pero sa totoo lang humanga ang amo kay Ate. Napakalinis ng bahay araw-araw. At natuto kahit papaano na mag-english ang mga bata (galing ni Ate in fairness habang kausap ko). At sinabihan ng amo na ayaw niya ng ibang lahi dahil di tumatagal ang mga ito (e kase naman ikaw sa ugali mong yan magtataka ka pa ba). Kahanga-hangang lahing Pilipino. Pero bakit madalas na maapi? Haaaay.

Walang dalang pera si Ate pauwi (taga Mindoro ang pamilya nya pero lahing Bisaya siya).  Ang tanging dala sa bulsa e halagang AED100 (which is around 1,150 pesos) na ipapamasahe nya sa RORO.  Nauna na daw ang package nya na puno ng pasalubong (salamat naman) na inipon nya ng paunti-unti.  Nang tanungin ko si Ate kung ano ang balak nya, mag iipon daw sandali sa Pinas at gagamitin ang kita ng asawa at mag-aapply naman sa Taiwan bilang factory worker. Mas malaki daw ang kita doon kahit mahal ang babayarang placement fee.  Nakakalungkot man pero nakakainspire pa rin. Mabuhay ka Ateng puyat!

Trivia: Sa pagtatanong ko sa mga kasambahay na OFW, lumalabas na mas malaki ang sweldo ng mga nasa Hongkong.  Karamihan sa Dubai at Middle East ay naglalaro (ano to bata?) lamang between AED800 hanggang AED1200.  Samantalang ang mga nasa HongKong ay kumikita ng HK$4,000 pataas (pakitama ako kung mali ito).


ATE No. 2: Si Ate TV Patrol (pasok!)

Masaya naman ang kwento ni Ate No. 2.  Tinawag ko siyang TV Patrol dahil siya ang tagapaghatid ko ng maraming balita, sa madaling salita, tsismosa.  Maswerte si ate na mapunta sa among Briton. Pero bago ko ituloy ang kwento ni ate, let me share some stories about “Ates” na may manager na puti (tao ha hindi suka). When I was still doing sales for a TV service company (parang cable sa atin), madalas na British ang customers ko dahil sa community nila ako nakaassign (duguan ng ilong araw-araw). I can easily convince them to sign up for a service but the bonus point is I can also convince them to sign up for another service para naman sa mga kasambahay nila (para naman may Tagalog channel sina ate at maka enjoy din ng teleserye). 98% of them will say yes! Ang babait at minsan hindi agad mag sasign up kase ibibili pa nila ng bagong TV sina ate! Sila na ang nanalo. Instant raffle ito. Nakakatuwa na ganoon sila magpahalaga sa mga kasambahay na Pinoy. Pero bago pa lumayo ang kwento babalikan ko na si Ate No. 2 (pasensya na madaldal talaga).  Kasama si ate sa mga maswerteng nilalang na napunta sa among Briton. Nakilala ko siya sa isang community kung saan ako naasign during my first job in Dubai.  Maayos ang kanyang kalagayan. May sariling kwarto, masarap ang pagkain at may day-off kaya best in pasyal daw siya.  Yearly din siya nakakauwi kase may libreng ticket galing sa amo nya (ang swerte ng bruha).  May mga anak siya sa Pilipinas at nakakapag-aral naman daw ng maayos ang mga ito.  May edad na siya pero nagtatrabaho pa rin para kumita ng maayos.  At dahil maluwag ang schedule, madalas na nakikipagdaldalan pero sa magandang paraan naman dahil nakakatulong siya sa ibang kasambahay na napunta sa among may lahing impakto at impakta.  Isa sa mga kwento niya ang ate na napunta daw sa mga among Pana na hirap na hirap daw. Bata daw kase ito at mukhang pinalusot lang ng agency para kumita (sana naman tigilan na ang ganitong gimik para lang kumita #BantayOFW).  Kaya ang ginagawa niya ay isinasama niya ito sa pagsisimba kapag Biyernes (day-off dito) para malibang naman.  Isa pang ate ang nakwento din nya ang buhay (bakit di lang kaya nya ampunin ang mga ito? Very Rosa Rosal at Inday Badiday ang peg ni Ate). Ito namang isang inaaalagaan nya e napunta sa among lokal.  Maayos naman daw ang kalagayan nito pero nanghihinayang siya sa kakayanan ng bata. Graduate ito ng Education sa Pinas at maayos din ang mga experiences.  Dangan nga lamang na walang ibang choice kaya napilitan itong mamasukan bilang kasambahay.  To the rescue naman ako sa pakikipag-usap kay Ate na lakasan ang loob at sa pagbibigay ng pag-asa na pwede pa siyang makahanap ng mas magandang trabaho. Tapusin lang ang kontrata at pwede nang humanap ng iba (na trabaho hindi jowa).  Pero ang hindi ko kinaya sa mga ateng naikwento niya ay ang kabayan natin na napalayas ng amo at napauwi sa Pinas. Ang dahilan? Nalaman sa medical test na may AIDS ito.  May jowa daw itong ibang lahi (hindi ko na babanggitin) na malamang na nakahawa dito.  Nakakalungkot man pero walang choice kundi madeport siya.  Marami pang kwento si Ate pero hindi na natuloy ang iba kase umuwi siya ng Pinas para magbakasyon habang ako naman e nagresign at nalipat na nga ng trabaho (magkikita kaya uli kami? Abangan!).

Trivia:  Madaming kabayan dito sa Dubai ang tapos ng magagandang kurso at lisensyado pa nga sa kanilang mga larangan (Nurse, Teacher, Engineer, Dentist, etc.) ang hindi nakakapagpractice ng kanilang propesyon bagkus ay nasa ibang larangan. May mga assistant, napunta sa sales, waiter, delivery, etc.  Kagaya ni ate sa kwento, wala na din silang choice lalo yung mga dumating na naka visit visa (wag mawalan ng pag-asa, magdasal at magtiwala. Pinoy ka, kaya mo yan!)     


ATE No. 3: Si Ate Ko. (kapatid?)

Hindi ko siya kapatid o kamag-anak pero sa lahat ng mga Ateng nakilala ko siya ang pinaka naging kaclose ko .  Nakilala ko si Ate nang maassign ako uli sa isang lugar sa una kong trabaho (yes, kaladkarin ako, palipat-lipat ng assignment).  May edad na siya pero hindi naman masyadong matanda (#MayAsimPa).  Alam mo agad na suplada at may kakaibang ugali dahil hindi namamansin (#echosera).  Hanggang unti-unti kong nakilala at naging kaibigan na nga (budol-bduol na naman kaya ang ginawa ko?).  May 2 anak siya sa Pinas at hiwalay sa asawa kaya kargo niya ang lahat.  Hindi sha namamasukan, nagtatrabaho siya sa isang shop sa mall na totoong puro tiyaga ang ginawa niya.  More than 12 hours ang trabaho (mag-isa siya) at walang official break time kaya doon na rin siya kumakain sa pwesto (hindi ko papangalanan ang shop to protect her).  Hindi malaki ang sweldo dahil nagbabayad pa siya ng upa sa bahay at mga gastusin pati na ang pagpapadala sa Pinas. Walang bayad ang over-time kahit malinaw na nakasulat ito sa kontrata (nabasa ko).  Natatakot siya na kausapin ang may-ari dahil baka mawalan naman ito ng trabaho.  Dahil sa ganitong sitwasyon, marami sa mga katrabaho niya  na nasa ibang branch ang napipilitang gumawa ng hindi maganda.  Nandadaya daw ang mga ito (hindi ko na inalam kung paano) para kumita ng malaki.  At mukhang totoo nga dahil ang mga nasa ibang branch na kapareho nya ng sweldo e may mga ari-arian na sa Pinas!  May mga lupain, magagandang bahay at meron pa ngang isa na may humigit-kumulang sa 50 jeep na na ipinapasada!  Nakakatakot, nakakalungkot na kailangan nilang gumawa ng ganito (wala akong inaakusahan na sino man. Ang mga nasabing bagay ay galing kay Ate at sa 4 pang staff ng company na nakausap ko #ImbestigadorHindiKoSilaTinantanan).   Sa halip na sundan ang kanilang ginagawa, naisip naman ni Ate na rumaket. Nagluluto siya ng lunch para sa mga tao sa mall at idedeliver nya o kukunin na lang sa kanya (masarap ang sinigang nya pero hindi ang adobo nakakalimutan nya lagyan ng suka #alzheimer). Nakasama ko si Ate hanggang matapos ang kontrata nya at nagpasya na lamang na umuwi ng Pinas para magbakasakaling hanapin ang kapalaran.  Pero the last time we chat (yes nakakapag-usap pa din kami) gusto na nya uli na makabalik sa Dubai dahil daw sa hirap ng buhay at sitwasyon sa Pilipinas.  Kung matuloy man, hihintayin ko siya.

Trivia: May mga company din dito sa Dubai na pasaway at hindi sumusunod sa kontrata.  May mga naaabuso gaya ng unpaid overtime o sobra sa oras na pagtatrabaho at iba pang hindi nasusunod na bagay.  Pwede itong ireklamo sa labor o humingi ng ayuda sa POLO OWWA.  Wag patanga-tanga, alamin ang karapatan.

Kahit naman yata saan pumunta e mahirap talaga ang buhay.  Ang usapan na lang para makasurvive e kung paano tayo didiskarte ng maayos.  Pero mahalaga na dapat e laging sa maganda at tamang paraan na hindi tayo makakasaga ng ibang tao.  Totoo palang nangyayari na may mga inaabuso at sinasaktan.  Marami palang nahihirapan at pilit na nagtyatyaga para makaahon sa hirap ng buhay.  Kung nagbabasa ka ng blog na ito, maswerte ka na may oras ka na gawin yan.  Kase marami sa ating mga kabayan ang todo kayod na wala na halos oras para sa sarili nila.  Maswerte tayo na tayo ay Pilipino.  Madiskarte, madasalin at marunong humarap sa pagsubok ng buhay.  Wag tayong susuko, kakayanin natin ang lahat. Patuloy na magtiwala, manalig at magdasal. 

*Credit to google for the photos. Salamat google.

2 comments:

  1. wow, ganda ng header at ng blog design. di ko makita FB page... another great post, roy. very informative. :)

    ReplyDelete
  2. Ate Mai pano yung fb page? Sorry nangangapa pa rin. Haha.

    ReplyDelete