Piso. Peso. Salapi. Pera. Kwarta. Anda. Dolyares. Dollars. Ano mang itawag mo e pera nga yan wala nang iba pa. Yan ang madalas na bukang-bibig ng karamihan sa atin (na madalas e napapanaginipan pa). Madalas ding gamiting tema ng mga nausong kanta gaya ng Money Changes Everything, Money Money Money na pinasikat ng Abba, Price Tag ni Jessie J na super sikat ngayon at maraming iba pang kanta na tungkol sa kaperahan (takdang aralin: mag isip ng iba pang kanta na tungkol sa pera. Paramihan ito ng maiisip. Premyo: 10 pirasong piso na may drawing na kalabaw). Pati mga taong sikat at yumaman tunog pera din ang pangalan gaya ni Manny (you know)., Pero kanta man yan, barya, papel, bago, luma, ginto, pilak, plastic, nabubulok at di nabubulok, pula o puti, basta pera e yan ang pag uusapan natin today (finally! Nakapagsulat uli. #busy-busyhan).
PESO/PISO
Simulan natin ang usapan sa peso dangan din lamang na ito ang perang ating kinalakihan (kung lumaki nga tayo). Noong mga bata pa tayo (parang nagiging alamat ang blog ko today. May lalabas kaya na diwata o kapre?), kapag sinabing piso, ura urada e baryang may kalabaw ang maiisip natin (sa mga di naabutan ang baryang ito, subukang tingnan ang nakatagong baul ng pamilya makikita nyo yan pero make sure na ibalik ang titulo ng lupa baka di ikaw ang pamamanahan e yan pa ang pagsimulan ng teleserye ng pamilya – Itay! Di ko po kinamkam ang lupa! Wala sa akin ang sakahan at kalabaw! Wala Itay! Wala! – sa puntong ito ay maririning ang tunog ng baril. Voice Over: Sino ang tinamaan ng bala? Anong modelo ng baril ang ginamit? Gaano ba kalaki ang lupang pinag-aawayan? Ano ang kulay ng papel ng titulo? Abangan bukas dito sa: Isang Dakot na Lupa Kinamkam ni Kurdapya). Kung di naman kalabaw e si Jose Rizal at the other side of the coin. O pwede ding “tao o ibon?” na sikat na sikat sa paggawa ng desisyon kung sino ang mauuna o mahuhuli (ano kaya at subukan natin ang tao o ibon sa eleksyon para di na mahirapan sa pagboto?). Again, sa mga di nakaabot sa baryang ito, ang tao o ibon e para sa 50 cents na may agila at si Marcelo Del Pilar naman sa other side (bakit nga ba nawala na ang mga hayop sa barya? May nagnakaw kaya ng pattern sa paghuhulma nito? Hmmmm….) Noong mga bata pa tayo (paulit ulit na naman ako), malaking halaga na ang piso (hindi ko na babalikan ang moment na malaking halaga na ang isang sentimo di ko naabutan yan ayaw ko mag imbento ng kwento #honest). Pwede na tayo makabili ng maraming ice candy (tonsillitis), chichirya (sakit sa bato), banana q, camote q, lahat ng may q (diabetes), at marami pang murang bagay (babala: pwedeng makamatay. Ingat). But seriously speaking, noong simple pa ang buhay malaki ang halaga ng piso. May katumbas ang bawat sentimo. Hanggang naging kumplikado na ang lahat. Naging mahal. Hanggang nawala na ang kalabaw at ibon at unti-unti’y bihira ka nang makabili ng isang bagay sa halagang 1 peso (meron pa nga ba? Enumerate them please). At kung pag uusapan ang mga perang papel, masaya din dati. Kung may kalabaw at ibon sa barya, may contest naman nang paghahanap ng pusa sa sampung pisong papel (o again, sa mga di pa nakakita ng lumang sampung pisong papel na kulay brown, bilis maghanap na kayo at sabayan kami sa paghahanap ng pusa). The last time I had my vacation sa Pinas, nakita ko na may bagong pera na naman. Hihintayin ko na muna na madistibute yan bago ako maglabas ng comment. May hahanapin kaya uli tayong pusa? O baka baboy naman this time? O bibilangin kung ilan ang nunal ni dating pangulong Gloria? Excited na ako (kung excited ka din tumalon ng tatlong beses kasabay ng pagtawa).
Ang Dirhams.
Kapag sinabing foreign money, dollars agad ang papasok sa isip natin (sa puso din kaya?). Kase pag sinabing dollar, nasa ibang bansa, maraming pera, mayaman, makakabili ng bahay, lupa, magagandang gamit, damit, lotion, pabango, sapatos, etc (bakit di pa magtayo ng sariling department store?). Pero dito sa Dubai, hindi dollars ang bayaran ng sahod kundi Dirhams. Simulan muna natin sa rate para may idea kayo. The standard dollar rate of Dirhams is: 1DHS = $3.67. DHS means Dirhams or pwede ding gamitin ang sign na AED. Sa palitan sa peso, madalas na naglalaro ito (bata? Naglalaro? Taguan? Patintero? Habulang gahasa?) between 11.50 to 12 pesos per Dirham. Sabi nila dati daw umaabot pa sa 16 pesos per dirham (Background Music: Sana Maulit Muli). Susubukan kong isa-isahin ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat Kabayan dito Dubai (pati na rin ang konting luho o maraming luho ng mga maluluho) gamit ang Dirham bilang panggastos.
Babala: Iwasang magconvert ng Dirham to Peso or else manghihinayang ka sa bawat gastos (ito ay payong madalas sabihin sa mga kaibigang bagong dating sa Dubai). Pero kung di mo maiwasang magconvert pakiready ng calculator or abacus.
AED1 – AED5
Since nabanggit ko na ang conversion rate nito versus peso, eto ang mga bagay na sa halagang 1 dirham pataas e pasok na pasok na sa budget (eto yung top 5 na madalas bilhin according to survey):
· Soda in Can (softdrinks yan pinasosyal ko lang ng konti) - Pasok sa category na ito ang coke,
sprite, pepsi, mountain dew, 7 up, Fanta – yes meron nito favorite ko na nga e, wala pong pop cola, ubos na. Nagkakahalaga ng 1.50 or 2 dirham o maaaring mas mahal depende sa tubong ipapatong ng sari-sari store (tubong lugaw?).
· A bar of chocolate - pasok sa grand finals ang kitkat, snickers, galaxy (chocolate hindi kalawakan), Cadbury at marami pang chocolate na madalas magpasakit ng ngipin ng mga Kabayan. Kase nga naman 2 – 3 DHS magsasawa ka na talaga.
· Mineral water - .50Fils (yan ang katapat ng centavo dito) – 1DHS pataas. Sa halagang yan e may isang bote ka na ng mineral water na may pangalang Masafi, Oasis, Al Shalal atbp. Wala pong Viva, Absolute at Sierra Madre mineral water dito o ang sikat na sikat na ice tubig (namiss ko ito).
· Pandesal – 1 dirham = 3 pieces. Korek! Mura ito na mabibili sa Pan De Manila sa Jaffiliya (hindi ito franchise ginamit lang nila ang pangalan kase di makaisip ng iba). Sa sobrang mura ng pandesal na ito, siguraduhin na mauubos the same day or else magiging bato ito the next day.
· Pasaload – alam nyo na ang kwento dito di ba? Sa mga hindi pa nakakaalam pakibasa po ng last episode. Sa halagang 5DHS pwede na sumagot ng “Yes my friend” kapag nakarining ng mahiwagang tinig sa iskinita na nagsasabing “Pasaload. Pasaload”.
Ang Mga Pangunahing Pangangailan ng Tao (kasama na rin ang mga nagpapanggap na tao)
Pag-usapan natin ngayon ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat tao (inulit ko lang ang title #Paulit-ulitPaRin2012Na) sa mundo na pangangailangan din siyempre ng mga kabayan dito sa Dubai at magkano nga ba ang magagastos sa mga ito. Ayan para may idea kayo na hindi madaling mabuhay sa ibang bansa.
UWIAN NA!
KAKAIN NA!
Kung napansin nyo na 4 out 5 sa top 5 na madalas bilhin ng mga Kabayan sa halagang 5DHS pababa e pagkain, e masasabi ko na indicator na nga ito na kahit papaano e mura ang pagkain sa Dubai. Ang halagang 500DHS sa isang buwan e maayos nang halaga para sa grocery depende kung ilan kayong maghahati hati at depende kung ilan ang patay-gutom sa grupo (aminin!). Let me enumerate some of the most common and most needed monthly para mabuhay:
· Bigas – 27DHS ang 5 kilo (Silver Swan, Golden Swan, lahat na yata ng swan basta bigas na jasmin or may nakasulat na “mabango” – pasok!)
· Tubig – 8DHS ang 5 liter (pwedeng yung may gripo, nilalagay sa water dispenser o bahala ka na basta makainom ka)
· Isda – ang tilapia ay usually 10DHS ang kilo pero ang nabibili kong Egyptian Tilapia (di ko rin alam kung galling ba ito sa pyramid o alaga ni Cleopatra) ay 18DHS per kilo. Ang bangus ay 10DHS pataas ang kilo. Isasama ko na ang hipon na kadalasang 20DHS pataas pero ang Indian Tiger Shrimp (na di ko mawari kong tigre ba talaga ito o Pana) ay 50DHS ang kilo pataas.
· Baboy – madalas na nanggagaling pa ng Brazil (sosyal) ay per piraso na o nakapack na frozen ang mabibili. Starting at 15DHS isang pack na parang almost 1 kilo na rin naman yata kung titimbangin. Magkakahiwalay na ang pata, kasim, tenga, dugo (yes meron dito nyan pwede magdinuguan any moment) at iba pang parte ng baboy. O ayan alam na alam nyo na, na merong baboy sa Dubai.
· Manok – ang isang buo e 11DHS at kapag nag sale e buy one take pa nga (mura ang manok, sure na!). Gaya sa Pinas, makakabili na din ng parte parte na mula sa pakpak, hita, breast, etc.
· Gulay – kinikilo din ito walang per tumpok at per tali (sana meron). Ang 3 pirasong malaking sibuyas siguro mga 1.50DHS, ganon din ang bawang, sitaw, repolyo, pechay at iba pang gulay (mura din ito).
· De lata at iba pa – ang sardinas na ligo at usually 2DHS, century tuna 3DHS pataas, toyong malaki pati suka – 3DHS pataas. Ang mantika ay usually 10DHS ang 1 or 2 liters. 2DHS ang magic sarap at knorr cubes at marami pang iba.
KASUOTAN
Magaling maghanap ng mura ang mga Pinoy and good thing e madalas ding mura ang mga damit sa Dubai. Makakabili ka ng t-shirt sa halagang 20DHS pataas depende sa klase at sa tatak. Kung ikaw ay isang kabayan na sosyal ang tingin sa sarili (pero di naman bagay) bibili ka ng tig 300 o pataas na presyo ng damit. May mabibiling pants sa halagang 60DHS. May sapatos na 50DHS hanggang sa pinakamahal. Madalas na may sale sa Dubai. At pinagsabi mong sale, totoong sale talaga hindi kunyari lang (pag sale ba sa SM, sale talaga? Aminin!).
ATBP.
Para lang maidagdag ang iba pang mura na madalas mabili dito sa bansang ito, aba’y banggitin ko na rin nga ang mga gadgets na kinababaliwan ng mga kabayan. E kase ba naman ang cellphone mura. Makakabili ka ng blackberry from 650DHS pataas. O ng laptop from 1,000DHS pataas. O ng TV from 900DHS pataas (flat screen yan ha). O ng digicam from 50DHS pataas. At marami pang iba. Lalo na ngayon that Dubai is celebrating its annual DSF or Dubai Shopping Festival! Sale kung sale talaga! Isusunod ko nga yang article na yan with matching photos para masaya (#mang-iinggit).
* Credits to google for the photos